Thursday, April 19, 2007

BIR Filing Adventure

Huli na ng makita ko na nalampasan ko na ang date na nilaan ng HR para sa pagbigay sa kanila ng mga kulang kong mga documents para ma-file nila ang ITR (Income Tax Return) ko. Kailangan ko kasing kunin ang BIR form 2316 ko from my previous employer at the next day ko pa ito makukuha kasi dito ako sa Ortigas nagtatrabaho at sa Makati ko pa makukuha yung mga documents na ito.

Kinabukasan, agad kong nakuha yung documents ko after office hours. Since Friday na yun mapaparoute ko pa lang ito sa HR pagpasok ko sa Lunes.

Late na ako ng 6 days sa pagfile ng aking ITR.

Pagkapasok ko ng Monday agad kong pinaroute yung documents ko sa HR. Nakarating ito sa kanila mga hapon na.

Late na ako ng 7 days sa pagfile ng aking ITR.

Tinawagan ako ng HR at sinabing kulang ang mga documents na pinaroute ko.Hindi ko sinama ang mga BIR Form 2316 ng aking pangkasalukuyang trabaho. Sabi nila dapat din daw itong isama sa computation. Ipinaroute nila pabalik sa akin ang aking mga kulang na documents mga hapon na. Matatanggap ko pa lang ito kinabukasan.

Late na ako ng 8 days sa pagfile ng aking ITR.

Pagkakuha ng mga documents ko agad kong pinaprint ang nirerequire nilang Form 2316 na makukuha sa website na sinabi nila. Pagkatapos kong magfillup uli at magrecompute agad kong pinaroute pabalik sa HR ang kumpleto kong documents. Hapon ko na natapos ang mga ito kasi may trabaho din akong isinasikaso nung umaga. The next day pa lang matatanggap ng HR ang mga ito.

Late na ako ng 9 days sa pagfile ng aking ITR.

Akala ko tapos na.

Tinawagan uli ako ng HR. Sabi nila ako daw mismo ang magfafile sa BIR ng ITR ko kasi "not consolidated case" daw ako. Nagtataka sila kung bakit pinaroute ko pa pabalik sa kanila mga documents ko. Mukhang hindi kami nagkaintindihan sa phone conversation namin dati. Hapon na ako tinawagan. The next day ko pa makukuha uli mga documents ko.

Late na ako ng 10 days sa pagfile ng aking ITR.

After lunch ko na nakuha mga documents ko. Agad akong nagpaalam na Team Lead namin na labas ako maaga para makapagfile ako ng ITR. Buti na lang pwede akong magoffset kasi madaling araw na ako nakauwi nung day na yun. Mula sa opisina namin tinakbo ko na papuntang MRT station. Medyo malayo-layo din yun. Kailangan makarating ako ng Atrium bago magsara ang BIR office dun ng 5pm. Bwiset! Naka-long sleeves pa ako habang mataas ang araw at sobrang init ng panahon... with matching leather shoes pa.

Pagkababa ko sa Ayala MRT station malayo-layo rin nilakad ko papuntang Atrium. Ang lakas na ng tulo ng aking pawis at feeling ko naging chicharon na lahat ng mga taba ko sa katawan. Sa layo ng nilakad ko konti lang ang nakita kong pwedeng masisilungan. Pero hindi ko na inisip sumilong at magpahinga. Kailangan ko mahabol ang closing ng BIR!

Pero san nga ba yung BIR?

"Sir, pasok lang kayo at makikita nyo na agad sa may kanan..."

Metrobank naman.

Ah! Baka dun sa may nakasulat na BIR...

"Ano kailangan mo?" ang tanong sa akin ng isang bruskong lalaking mukhang kontrabida sa pelikula na nakaupo sa mesa sa labas ng branch.

"Magfafile lang po ng ITR. Dito po ba?" sabay abot ko sa kaniya mga dokumento ko para maexamine nya.

"Bakit ngayon lang ito nung 16 pa dapat ito."

Yahoo! Late lang pala ako ng 2 days! Sa HR lang pala ako late ng 10.

"Nagkawala-wala po kasi ang mga ito habang pinaparoute po pabalik sa akin ang mga documents kong ito" ang sabi ko na lang. Mas ok kasi pakinggan yun kaysa "Tinamad ko kasing gawin at ano naman paki mo!".

"Punta ka 5th floor at dun mo ibigay ito."

Pucha! Ewan ko ba kung bakit napakamalas ko ng araw na yun. Ano kaya nagawa ko.

Pagod. Uhaw. Inis. 5th Floor. Walang gumaganang escalator.

Pucha! Pucha! Pucha!

Pagkadating dun dami palang office ng BIR sa floor na yun!

30 minutes to go bago magsara BIR.

Pucha! Pucha! Pucha!

Pero kahit papaano malakas din tsamba ko.

"Bakit ngayon lang ito? May fee na ito sa pagiging late. Pasok ka sa loob."

"Bakit ngayon lang ito? Hindi dito yan. Punta ka dun."

"Bakit ngayon lang ito?"

"Bakit ngayon lang ito?... Bakit ngayon lang ito?... Bakit ngayon lang ito???!!!"

OO NA! SORRY LATE NA! TINAMAAN LANG NG TAMAD! ANO BA! SUNTUKAN NA LANG!... Bwiset! Ilang beses ba nila uulitin! Malapit ko na mabulalas ito. Buti na lang pinigilan ko sarili ko.

"Pasok ka sa kwarto dun... at bakit ngayon lang ito?"

Anak ng pucha naman oh! Isa ka pa!

Sa wakas, nakita ko na rin ang pagbibigayan ko ng mga documentong basang-basa na ng pawis ko at medyo nalukot-lukot dahil sa kakatakbo ko.

"Ano po yun?"

"Magfafile lang po ng ITR. Dito po ba?"

"Ah ito ba? Bakit ngayon lang ito?"

"Ah eh hehehe nagkawala-wala po habang pinaparoute po papunta sa akin ang mga ito."

Pagkaabot ko sa kaniya agad nyang tinatatakan mga dokumento. Pagkatapos nito inabutan nya ako ng isang set ng mga forms na may tatak at sinabing "Ito kopya mo".

"San po ako pupunta next?"

"Tapos na."

"Yun lang po ba?"

"Oo."

Pucha! Ganun lang kadali! Ang layo pa ng pinanggalingan ko! Malayo pa nilakad ko! Halos madehydrate na ako sa init ng panahon...

Ganon lang pala kasimple! Wala akong binayarang fee dahil sa pagiging late. Hindi na ako pumila ng pagkahaba-haba.

Ganon lang pala kasimple! Ok lang pala ang maging late hehehe.

Pagkalabas ko ng Atrium sinalubong ako ng malakas na sikat ng araw. Grabe hindi pa rin nagbabago ang init magmula ng pumasok ako sa Atrium. Buti na lang may nagtitinda ng sorbetes malapit sa fishball-an sa labas ng entrance.

Ang sarap talaga kumain ng sorbetes na pinalaman sa tinapay pag maiinit ang panahon. Buti na lang dalawa binili ko.

0 comments:

Template Designed by Douglas Bowman - Updated to Beta by: Blogger Team
Modified for 3-Column Layout by Hoctro